-- Advertisements --

Pinalakas na intelligence gathering ang ipinag-utos ni AFP Chief of Staff General Noel Clement sa lahat ng mga unit commanders na nasa frontline sa gitna ng umiiral na holiday truce sa CPP-NPA-NDF.

AFP chief ipinag-utos ang pinalakas na intel gathering sa gitna ng umiiral na ceasefire Ayon kay AFP Spokesperson BGen Edgard Arevalo, layon nito para maging handa sa mga posibleng pag-atake sa mga sundalo na nagsasagawa ng humanitarian at iba pang non-combat operations mula sa mga nagnanais na isabotahe ang tigil putukan.

Sinabi ni Arevalo, na bagamat suspendido ang military operations laban sa NPA, otorisado pa rin ang mga sundalo na magpatrolya para i-secure ang kanilang mga kampo partikular ang mga komunidad sa kani-kanilang areas of responsibility.

Maari din aniya silang magpatupad ng pag-aresto sa mga ilegal na nagdadala ng armas o yung mga gumagawa ng illegal na aktibidad tulad ng panununog at pangingikil.

Siniguro naman ng AFP ang kanilang commitment sa pagsusulong ng kapayapaan.

Binalaan ng militar ang mga lalabag sa ceasefire na pananagutin sila sa ilalim ng military rules and regulations.

Binigyang-diin ni Arevalo na hindi lalabag ang AFP sa tigil putukan.

Sa unang araw ng ceasefire dalawang insidente ng paglabag ng NPA ang naitala ng PNP at AFP.