-- Advertisements --

Kinumpirma ni AFP chief of staff General Eduardo Año na magpapadala siya ng reinforcement sa mga sundalong nakatalaga at nagbabantay ngayon sa teritoryo ng bansa sa may bahagi ng West Philippine Sea.

Ito ay kasunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo ng mga facilities at istruktura sa mga isla na teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Año na bukod sa pagtatayo ng mga facilities at pag-improved sa mga structures ay dadagdagan din nila ang mga sundalo na kasalukuyang nagbabantay sa mga lugar.

“Thats an order from the president and I intend to carry that out. Atin naman yan per Arbitration Ruling so we dont see any problem. Actually lahat ng islands dun total of 8 plus the Ayungin Shoal ay occupied na ng troops natin. We will reinforce our troops and improve the structures and facilities there,” mensahe na ipinadala ng heneral.

Inihayag din ni chief of staff na occupied na ngayon ang lahat ng walong isla at isang shoal sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea habang ang iba ay occupied ng China, Vietnam at iba pa.

Dagdag pa ni Año na may lubog na lupa o bato sa loob ng EEZ ng bansa ang pwedeng i okupa ng militar pero kailangan nitong maglagay ng mga istruktura ng sa gayon may matutuluyan ang mga sundalong magbabantay.

Tumanggi namang tukuyin ni Año kung ilan at saan ang mga ito matatagpuan dahil sa usaping pangseguridad.

Walang pag-aalinlangan namang ipatutupad nito sa naging direktiba ni Pangulong Duterte ang pagtayo ng mga mga facilities at structures sa mga lugar na teritoryo ng Pilipinas.

Aniya, sa katunayan batay sa arbitration ruling teritoryo ito ng Pilipinas kung kaya’t walang nakikitang problema ang militar sa pagtatayo ng mga facilities at structures sa Kalayaan Island Group (KIG) sa may West Philippine Sea.

“We have occupied a total of 8 islands and 1 shoal in west phil sea. All others are occupied by China Vietnam etc. Within our EEZ me mga submerged lands or rocks that we may occupy but we need to put up structures where our troops can stay. I can not give you the numbers and location for security reasons,” dagdag pa nito