Bibisita ngayong araw sa kauna-unahang pagkakataon sa Camp Aguinaldo si MILF Chairman Al Haj Murad.
Ayon kay AFP spokesman B/Gen. Edgard Arevalo, ang pagbisita ni Murad ay maituturing na makasaysayan.
Malaki rin daw ang “impact” nito lalo na sa panahon na ang interes ng sambayanan ay magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bahagi ng rehiyon ng Mindanao.
Sinabi ni Arevalo na ipinapakita lamang ang mataas na antas ng pagtitiwala at sinseridad sa pagitan ng MILF at militar sa hakbang ng magkabilang panig.
Sa pakikipagpulong ni Murad Kay AFP chief of staff General Carlito Galvez, inaasahang tatalakayin ang iba’t ibang areas of collaboration ng AFP At MILF, kabilang ang combat, intelligence at civil-military operations.
Kung maalala kamakailan lamang ay bumisita rin sa kampo ng MILF si Galvez.
Sinabi pa ni Arevalo, maganda sana kung ganito lang ang ipinapakitang sinseridad din ng CPP-NPA sa kanilang pakikitungo sa pamahalaan para mawakasan na rin ang pakikipagdigmaan sa mga komunista.