Masayang-masaya si AFP chief of staff Gen. Eduardo Año ngayong nakamit na ng militar ang total victory sa Marawi City.
Ito’y matapos ianunsiyo ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na tapos na ang combat operations sa siyudad at napatumba na ng mga sundalo ang huling depensa ng mga kalaban.
Kinumpirma rin ni Año na ang Bandariingin Mosque ang siyang last enemy stand na in-assault ng militar simula kahapon kung saan napatay ang 42 natitirang Maute stragglers.
Nasa 920 na terorista ang napatay sa 154 days na rebelyon sa Marawi habang 165 na mga sundalo naman ang nasawi.
Naniniwala si Año na malaking aral sa teroristang grupo ang pagkakapatay ng militar sa halos 1,000 mga terorista.
Aniya, dahil sa mataas na bilang ng mga terorista na napatay ng government forces, mag-aalangan na umano ngayon ang mga terorista na gumawa ng panibagong pagsalakay at pagsakop ng panibagong siyudad.
Ipinunto din ng heneral na malaki ang naitulong ng kooperasyon ng mga mamamayan sa komunidad para talunin ang terorismo.
Importante rin daw na mai-report kaagad sa mga otoridad sakaling may mga mamataang hinihinalang indibidwal sa kanilang mga lugar.
Dagdag pa ng opisyal, ang matagumpay na operasyon sa Marawi ay dahil sa mga naiambag ng mga sundalo at sa nagawa ng AFP na palayain ang Marawi mula sa mga sumakop na mga terorista.
Inihayag din ni Año na kanyang ipinagmamalaki ang matagumpay na operasyon laban sa mga terorista at siya ang pinuno.
Iginiit nito na naging hands on siya sa operasyon at hindi umano niya iniwan ang kaniyang mga ground commanders.
Ibinunyag din nitong malaking tulong din sa kanya ang mga naging karanasan nito noong siya ay isang junior officer pa lamang.
“Hindi naman kasi team effort ito eh, this is still AFP, it so happend na I am the chief of staff and I’m happy that during this critical time, I’m the one at the helm of the AFP, because I know myself, hindi naman sa nagyayabang, but I know myself itong mga crisis mga ganun, madali akong makapagdesisyon, makapag-strategize so kasi siguro ano rin yan, sa tulong naman ng experience ko when I was a junior officer, then naging commanding general ako ng Army so naging tulong ‘yung mga na-experience at natutunan ko during those years so nakita ko ‘yung papaano ‘yung interplay ilagay mo yung best commanders, magagaling,” wika ng heneral.
Isa raw sa mga natutunan ng militar na ayaw na nilang maulit ay ang tinatawag nilang appreciation sa intelligence information kung saan nagkulang sila sa pag-appreciate ng intelligence information kaugnay sa presensya ng mga Maute terrorist sa may Butig at Piagapo kung saan plano nitong sakupin ang Marawi.
Sinabi ni Año na noong mga panahon na iyon, abala sila sa pagtugis sa mga teroristang Abu Sayaff sa Basilan, Sulu at Maguindanao.
“Well, I’m really very very happy na finally we have a total victory and we have accounted the last terrorist, talagang a total 920 ang enemy killed natin since the start of the campaign, we lost 165 officers and men from the AFP and the PNP and pinaka-most improtant dito, na-liberate natin ang Marawi. We can now proceed with the next phase, makakabalik na yung mga kababayan natin sa Marawi, at siguro sa dami ng napatay nating terrorists malaking lesson ‘to para sa kanila, I don’t think they will attempt, if they will attempt they will think twice to again occupy another city or town, number two siguro ang important dito malaking lesson ‘to sa mga kababayan natin to defeat terrorism, kailangan tulong-tulong talaga dito, important sa community makapa-report kaagad sa mga otoridad,” pahayag ni Gen. Año.
Samantala, bagamat tapos na ang combat operations sa Marawi, tuloy pa rin ang Civil Military Operations sa lugar na bahagi ng reconstruction at rehabilitation sa siyudad.
Ayon kay AFP spokesperson MGen. Restituto Padilla, hindi naman mawawala kung may makarinig pa rin sila minsan ng putukan dahil parte pa rin ito sa nagpapatuloy na clearing operations.
Aniya, hindi pa cleared ang buong siyudad ng Marawi dahil sa mga improvised explosive device.