-- Advertisements --

jolo1

Nais ni AFP chief of staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na agad masampahan ng kasong murder at planting of evidence ang siyam na mga pulis na sangkot sa Jolo fatal shooting na ikinasawi ng apat na sundalo batay na rin sa rekomendasyon ng NBI.

Sa isinagawang Senate hearing, dismayado si Gen. Gapay na hindi pa nasasampahan ng kaso ang siyam na mga pulis na nasa likod sa pagpatay sa apat na sundalo noong June 29, 2020.

Sinabi ni Gapay na mahigit dalawang buwan na silang naghihintay para sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang siyam na pulis.

Ayon pa kay Gapay, tanging hiling ng mga pamilya ng mga namatay na sundalo na lalabas ang katotohanan hinggil sa insidente.

Sa ngayon ang siyam na pulis ay nananatili sa restrictive custody sa Camp Crame na dumalo naman sa pagdinig nitong araw ng Miyerkules.

Binigyang-diin ni AFP chief na nais nila mabatid ang totoong motibo at intensiyon sa pagpatay sa apat na sundalo.

Tinawag naman ni Gapay na “very unique” ang kaso ng Jolo shooting sa kabila ng magandang koordinasyon ng AFP at PNP.

Habang gumugulong ang pagdinig hindi naman matukoy ng mga sangkot na pulis kung sino ang unang nagpaputok sa mga sundalo.

Sinabi ng mga sangkot na pulis may hawak umanong baril si Major Marvin Indammog pero base sa imbestigasyon ng NBI at pahayag ng mga testigo walang armas si Indammog.

Samantala, sa panig naman ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa, nakahanda siyang isuko ang siyam na pulis sa korte sa sandaling maglabas na ng warrant of arrest.

Sinabi ni Gamboa mas maigi na ang mga ebidensiyang hawak ng NBI ay matalakay sa korte lalo na ang criminal charges.

Dapat din daw na ang korte ang magtukoy kung guilty sa criminal charges ang siyam na mga pulis.x