-- Advertisements --

Nasa red alert status na ngayon ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang paghahanda para sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa araw ng Lunes, Hulyo 23.

Nasa 1,500 sundalo ang magsisilbing augmentation force ng Philippine National Police (PNP) mula sa Joint Task Force-NCR at sa General Headquarters ng AFP.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez, bagama’t nasa red alert sila ngayon, wala umano silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad.

Pinangunahan mismo Galvez nitong Biyernes ang accounting and mustering ng mga tropa na nagmula sa tatlong branches ng hukbong sandatahan.

Personal na ininspeksyon ni Galvez ang mga sundalo, maging ang mga armoured vehicle, military trucks at iba pang mga sasakyan na gagamitin ng mga sundalo.

Sinabi ni Galvez na kanila ding tinututukan ang mga gagawing mga kilos protesta ng mga makakaliwang grupo.

Aminado ang heneral na ang binatawang banta ng grupo ni communist leader Jose Maria Sison na patalsikin sa puwesto ang pangulo ay hindi malayong mangyari kaya todo ang ginagawang monitoring ng AFP at PNP.

Sa kabilang dako, nilinaw naman ni Galvez ang paglahok ng mga special operations unit ng AFP na mula sa lungsod ng Marawi sa isinagawang security drill sa House of Representatives.

Aniya, hindi naman ito ipapakalat sa mismong araw ng SONA.