Pinawi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang pangamba ng publiko kaugnay sa posibleng giyera sa gitna ng umiigting na tensiyon sa West Philippine Sea.
Sa panayam sa mga kawani ng media, sinabi ng AFP chief na walang dapat na ikabahala dahil ginagawa nila ang lahat para maiwasan ang giyera alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gagawin din aniya ng Hukbong Sandatahan ang lahat ng mga posibleng hakbang at aksiyon para mapigilan ito dahil kung sakali man na magkagiyera, lahat ay talo, wala aniyang panalo, mapa-Pilipinas man o ang higanteng mga bansa.
Kaalinsabay nito, patuloy ang paggiit ng sovereign rights ng ating bansa sa loob ng exclusive economic zone.
Ginawa ng AFP chief ang pagtitiyak na ito sa gitna na rin ng naglipanang fake news online na posibleng humantong sa giyera ang tensiyon sa pinag-aagawang karagatan.
Ito ay kasunod ng kamakailang mas agresibong aksiyon ng China Coast Guard personnel laban sa mga tropa ng PH habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin shoal noong June 17 kung saan ilang Navy personnel ang nasugatan sa insidente.