-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Dalawang araw matapos ang engkwentro laban sa mga miyembro ng New People’s Army sa Guihulngan City, Negros Oriental, binisita ni Armed Forces of the Philippines chief of staff General Cirilito Sobejana sa headquarters ng mga sundalo na nakaengkwentro ng rebeldeng grupo.

Nitong Huwebes ng tanghali ng lumapag sa harapan ng munisipyo ng Isabela, Negros Occidental ang chopper na sinakyan ni Sobejana at ito ay dumiretso sa headquarters ng 62nd Infantry Battalion sa Barangay Libas.

Hindi inanunsyo ang pagdating ni Sobejana ngunit sinalubong ito ng mga opisyal ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay 3rd Infantry Division spokesperson Major Cenon Pancito III, layunin ng pagbisita ni Sobejana na mapataas ang morale ng mga sundalo na may malaking accomplishment kasunod ng engkwentro sa Sitio Agit, Barangay Trinidad, Guihulngan City nitong Martes ng hapon kung saan 10 NPA members ang namatay at dalawa ang nahuli.

Ayon kay Pancito, ang sagupaan sa Guihulngan ay isa sa pinakamalaking encounter sa Negros Island dahil maliban sa mga namatay na miyembro ng komunistang grupo, marami ring high powered firearms ang narekober.

Ayon sa Army official, isa itong paraan ni Sobejana para ipakita ang kanyang pagsaludo sa mga sundalo.

Nabatid na si Sobejana ay tubong Zamboanguita, Negros Oriental at ilang beses ding nagbisita sa Negros Island noong umuupo itong commanding general ng Philippine Army.