Tiniyak ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana ang suporta ng AFP sa pag-develop ng Pag-asa Island at proteksyon ng Kalayaan Group of Islands (KIG).
Ang pagtiyak ay ibinigay ng heneral kay Palawan governor at chairperson ng Palawan Council for Sustainable Development Jose Alvarez sa isang virtual meeting nitong Lunes.
Dito’y binigyang diin ng heneral ang kahalagaan na ma-develop bilang “logistics hub” ang Pag-asa island para mapangalagaan ang biodiversity at kabuhayan ng mga mangingisda sa KIG.
Pinuri naman ni Sobejana ang inisyatiba ng pamahalaan ng Palawan na ideklara ang KIG bilang protected area sa ilalim ng Expanded National Integrated Protected Areas System (Republic Act 7586).
Tinalakay din ng dalawang opisyal ang posibilidad na gawing tourist destination ang Pag-asa island.
“We are glad that we are on the same page in the future of the province of Palawan, that we view it as a strategic and critical national security frontier, particularly in the interests of ecological balance and sustainable development,” wika ni Gen. Sobejana.