Tiniyak ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na hindi nito papayagan ang Chinese incursion sa teritoryo ng bansa.
Ito ay dahil nananatili pa rin sa Julian Felipe Reef ang nasa 183 Chinese maritime militia vessels, batay sa sa isinagawang maritime patrols ng Philippine Air Force (PAF) aircraft noong Martes ng umaga.
Magugunita na noong March 7 nasa 220 Chinese vessels ang namataan na naka angkla sa Julian Felipe Reef.
Siniguro ni Sobejana, nagsasagawa na ngayon ng joint assessment ang AFP at NT WPS para makabuo ng magandang desisyon para tugunan ang ginawang pagsalakay ng mga Chinese Maritime Militia vessels sa Julian Felipe Reef.
Gayunpaman siniguro ng heneral na hindi nila itolerate ang nasabing hakbang ng China na isang malinaw na aksiyon ng pananakop.
Bagamat naghain na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA )at hiniling na rin Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Beijing na paalisin na ang kanilang barko dahil nasa loob na sila ng exclusive economic zone ng Pilipinas at nilalabag nito ang maritime rights ng bansa, “deadma” pa rin hanggang sa ngayon ang China.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi na hindi nila hahayaan na salakayin ang teritoryo ng bansa kaya mandato nilang protektahan ito.
Ayon kay Sobejana, sa ngayon mahigpit nilang mino-monitor ang aktibidad ng mga nasabing Chinese vessels sa lugar at magpapatuloy ang kanilang maritime patrol para ma-check kung nabawasan o nadagdagan pa ang mga Chinese vessels.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinakop ng China ang teritoryo na bahagi ng bansa, ang una ay noong taong 2012 kung saan sinakop naman ang Scarborough shoal.
Naniniwala ang mga security experts na ang ginagawa ng China ay isang taktika na tinawag nilang ” gray zone strategy” kung saan ginagamit ang mga nasabing barko para maiwasan na magkaroon ng direct responsibility at sasabihin ng China na hindi ito government vessels.
Ang mga Chinese Maritime militia vessels na namataan sa Julian Felipe Reef ay parehong mga barko rin na namataan noon sa Scarborough o Panatag Shoal at ngayon ay kontrolado na ito ng Beijing.