Tiniyak ni AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay na makikipagtulungan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Facebook na kabilang sa Global Internet Forum to Counter Terrorism (GIFCT), para labanan ang pagsasamantala ng mga terrorista sa internet at maging ang kampanya laban sa insurgency.
Ang pagtiyak ay ibinigay ni Gapay sa pakikipagpulong niya online kay Facebook head of Public Policy in the Philippines, Ms. Clare Amador, kahapon.
Sinabi ni Gapay, ikinatutuwa ng militar ang ginagawang self-regulation ng grupo para mapigilan ang pagkalat ng terrorist propaganda, kabilang ang mga larawan at video ng karahasan.
May mga dokumentadong kaso kung saan nagagamit ng mga terrorista ang social media sa kanilang mga recruitment activities.
Nais aniya ng AFP na magkaroon ng aktibong partnership sa mga social media sites upang mapigilan ang paglaganap ng violent extremism na hindi nalalabag ang kalayaan at karapatan ng mga social media users.
Siniguro rin ng AFP at PNP na paiigtingin nila ang kanilang kampanya laban sa NPA at mga terorista sa pamamagitan ng pag-monitor sa Facebook at iba pang social media platform kaugnay sa recruitment na ginagawa ng mga nasabing teroristang grupo.
Naniniwala si chief of staff na kung mayroong maayos na koordinasyon sa mga local government units at maayos na economic program gaya ng pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan para hindi mahikayat ang mga kababayan natin na umanib sa NPA at terorista.
Sa panig naman ng PNP, bubuo sila ng isang unit na tututok lamang sa paglaban sa mga local terrorist group.