-- Advertisements --

Isinusulong ni opposition Sen. Risa Hontiveros na mahimay ng Senado ang umano’y pakikipagkasundo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang Chinese telecommunications company na siyang tinaguriang third telco.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 137 matapos aminin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi niya alam ang kasunduan sa pagitan ng AFP at Dito Telco (dating Mislatel Consortium).

Nakasaad umano sa kasunduan, maaring magtayo ang Dito ng communication facilities sa loob ng mga kampo ng militar.

Nangangamba ang mambabatas na magkaroon ng usapin ng pang-eespiya at banta ng seguridad sa nabanggit na kasunduan.

Samantala, sinabi naman ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na may dalawang batas ang China na nagsasabing may obligasyon ang kanilang mga korporasyon na makipagtulungan sa pangangalap ng intelligence information.

Binanggit ng mambabatas ang National Intelligence Law of 2017 at Counter-Espionage Law of 2014 ng China.