Tiniyak ng pamunuan ng AFP Western Mindanao Command (Wesmincom) na hindi sila magpadalos-dalos sa pagpapatupad ng Anti-Terror Law hangga’t walang inilalabas na Implementing Rules and Regulations (IRR) na siyang magiging basehan para sa implementasyon nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom chief Lt.Gen. Cirilito Sobejana kaniyang sinabi na mahalaga na magkaroon muna ng sapat na kaalaman sa hanay ng mga sundalo at maging sa mga stakeholders para maintindihan ang nilalaman ng bagong batas bago pa ito ipatupad ng mga law enforcement agencies.
Sinabi ni Sobejana, hindi sila basta-basta mag-implementa sa batas na hindi nila alam kung paano ang pagpapatupad dito.
Naniniwala kasi si Sobejana na kapag nagkaroon ng sapat na kaalaman ang mga sundalo hinggil nasabing batas at naintindihan ng publiko walang mangyayaring pag-alma dito.
Aniya, malaking tulong sa kanilang kampanya ang Anti-Terror Law dahil halos lahat ng local terrorists ay nag-o-operate sa area ng Western Mindanao gaya ng mga teroristang Abu Sayyaf at mga local -ISIS inspired groups.
Layon nito para maiwasan at mapigilan ang anumang planong pag atake ng mga terorista lalo na ang suicide bombing kung saan may mga Pinoy na ang naenganyo hinggil dito.
Ang Anti-Terrorism Act of 2020 o ang Republic Act No. 11479 ang pumalit sa Human Security Act of 2007 na naging epektibo nuong July 18, 2020.
“Well since approved na yan this is already enacted into law, batas na yun kaya dapat natin sundin ng bawat isa, so upon the issuance of the Implementing Rules and Regulations, we will do internal processes we will meet all our people kung ano lang yung nilalaman ng naturang batas para maganda yung implementation natin so that everybody understands. Ganon din sa publiko, we will do series of engagement to the different stakeholders for them to understand and we will recommend the same thing sa counterpart namin sa PNP,” pahayag ni Lt.Gen. Sobejana.
Samantala, hindi naman apektado ang militar sa mga bumabatikos sa tinaguriang kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa ngayon kasi may siyam ng petition laban sa kontrobersiyal Anti-Terrorism Law na pending sa Supreme Court at asahan pa na sa darating na mga araw marami pa ang maghahain ng petisyon.
Siniguro ni Sobejana, anuman ang kanilang magiging hakbang ay naaayon sa saligang batas.
Tiniyak ng heneral walang pang aabuso na mangyari dahil mataas ang kanilang pag respeto sa karapatang pantao.
Hanggat tali pa ang kamay ng militar sa implementasyon ng Anti-Terror Law ngayon at pending sa IRR, tuloy pa rin ang kanilang mga nakagawiang misyon lalo na sa paglaban sa terorismo sa Mindanao.
“Karamihan ay ginagawa namin yung trabaho namin na in accordance with the rule of law, so kung ano yung batas na i-isyu di sundin natin. Mas maganda kung hintayin natin yung IRR kasi nanduon yung detalye at yun ang basehan namin sa pag cascade sa naturang batas with IRR sa ating mga kasamahan sa AFP,” wika pa ni Sobejana.