Hindi magpapatinag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kabila ng delikadong aksiyon ng China Coast Guard ng banggain nito ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard kahapon August 19, sa bahagi ng Escoda Shoal.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad magpapatuloy ang kanilang maritime mission at mandato na tiyakin ang integrity ng ating teritoryo kabilang ang pagsasagawa ng patrulya sa karagatan, surface patrols, at maritime air surveillance flights.
Ang ramming incident kahapon sa Escoda shoal ay kauna-unahang naitalang insidente.
Ang presensiya ng mga Chinese vessels sa Sabina o Escoda Shoal ay iligal dahil sakop pa ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi ni Trinidad may nakalatag na patrol plan ang Western Command kasama ang PCG at BFAR.
Hindi naman masabi ng AFP kung bakit ito ginagawa ng China Coast Guard.
Aminado si Trinidad na ang ginagawa ng China ay isang taktika ng communist warfighting, dahil bawat may ginagawa silang hindi kaaya aya at labag sa international laws ay agad silang naglalabas ng komunikasyon.
Ayon pa kay Trinidad, ang nakikita nila ngayon ay nais kontrolin ng China ang buong West Philippine Sea.
Samantala, lumubo pa ang barko ng China sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Ayon kay Trinidad batay sa kanilang monitoring nasa 129 ang kabuuang barko ng China sa bahagi ng Ayungin shoal.
Gayunpaman sinabi ni Trinidad, hindi consistent ang bilang ng mga Chinese vessels sa lugar minsan nababawasan ito at ang pinaka maraming bilang na kanilang naitala ay nasa 156 depende sa kondisyon sa karagatan.
Tumanggi namang mag speculate ni Trinidad hinggil sa kumpulan ng mga barko ng China sa nasabing lugar.