Wala umanong katotohanan ang alegasyon laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na sila ay “peace spoilers” sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, walang inirekomenda ang militar kay Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang peace talks sa komunistang grupo.
Sinabi ni Arevalo na binigyan lamang nila ng security briefing ang Pangulo kaugnay sa sitwasyon sa ground.
Pero kung ang naging desisyon ng pangulo ay lalo pang nagpatibay dahil sa ibinigay na security briefing, ito raw ay prerogative na ng commander-in-chief.
Paliwanag din ni Arevalo, hangad din ng militar ang kapayapaan kaya anumang hakbang ng gobyerno ay kanila itong susuportahan, lalo na ang isinusulong na usapang pangkapayapaan.
Pinasinungalingan din ni Arevalo ang ulat na may balak ang militar na magdeklara ng isang “all-out war,” na pinapalutang lamang umano ng ilang grupo dahil sa kanilang pinalakas na operasyon laban sa mga miyembro ng New People’s Army, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Abu Sayyaf Group.
Samantala, bineberipika pa sa ngayon ng AFP ang ulat na kabilang si Abu Dar sa limang local terrorists na napatay sa operasyon ng militar sa Wao,Tubaran, Lanao del Sur.
Ayon kay Arevalo, isang buwan pinlano ng militar ang nasabing operasyon matapos mamataan ang grupo ni Abu Dar sa lugar.
Si Abu Dar ang tumatayong lider ngayon ng teroristang Maute- ISIS matapos mapatay sa operasyon si ASG leader Isnilon Hapilon.