-- Advertisements --

Itinuturing ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año na naputulan na ng ulo ang Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria)Terror Group.

Ito’y dahil sa pagkakapatay kay Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon at Omar Maute sa isinagawang operasyon kaninang madaling araw.

Sa panayam kay Gen. Año kaniyang sinabi na ang pagkakapatay sa dalawang top terrorists leaders ay hudyat din na malapit na malapit na ang katapusan ng rupo.

Sa pagkamatay aniya ng dalawang leader, nawalan na ng center of gravity ang mga natitirang terrorista at sa kaunting panahon na lamang ay siguradong magkakawatak-watak din ang mga ito.

Naniniwala si Año na malaking impact sa iba pang mga teroristang grupo ang pagkakapatay kina Hapilon at Omar.

Aniya, ang dalawang terrorist leaders ay kabilang sa pitong bangkay na na-recover ng militar matapos ang matinding bakbakan na tumagal mula alas-2:00 kaninang madaling araw hanggang alas-6:00 ng umaga.

Gayunman mayroon pang mga terroristang tinutugis ang pamahalaan kaya ayaw pang magpakampante ng militar.