Hindi umano magrerekomenda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng suspension of military operation laban sa komunistang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ngayong papalapit na ang holiday season.
Sa panayam kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, kaniyang sinabi na “useless” magdeklara ng SOMO dahil noon pa man ay hindi na umano sinsero ang NPA sa tigil-putukan bagkus lalo pang naglulunsad ang mga ito ng kanilang mga “terroristic, criminal, harassment at mga extortion activities.”
Giit ni Arevalo, hindi bibigyan ng militar ng pagkakataong makapaghasik pa ng karahasan ang komunistang grupo, kaya dapat lamang depensahan ang lahat ng military positions.
Dagdag pa ni Arevalo, hindi nila papayagan na maipagdiwang ng CPP-NPA ang kanilang ika-50 anibersaryo sa Disyembre 26.
Una nang inihayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi niya irerekomenda sa Pangulo ang pagdeklara ng holiday truce sa CPP-NPA-NDF pero ang Commander-in-Chief pa rin ang magdedesisyon ukol dito.
May mga security preparations na rin daw na inihanda ang militar para sa nalalapit na anibersaryo ng komunistang grupo kung saan isasailalim sa heightened alert status ng AFP ang kanilang units sa buong bansa.