CAGAYAN DE ORO CITY – Idinepensa ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command (WestMinCom) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat iwasan ng local at foriegn tourists na puntahan ang Zamboanga City at karatig lugar sa Region 9 dahil sa mataas na banta ng mga kasong kidnapping.
Ito ay sa kabila ng walang humpay na military operations laban sa Abu Sayyaf group (ASG) na nasa likod ng maraming kasong kidnapping sa mga nagdaan na mga taon.
Sinabi sa Bombo Radyo ni AFP WestMinCom spokesperson Lt Col Gerry Besana, hindi dapat masamain ng publiko ang pagpapaala ni Duterte dahil totoo naman na mayroong mga nangyari na kidnapping sa mga nakalipas na panahon sa lugar.
Inihayag pa ni Besana na ito ang dahilan na hindi tumigil ang militar kasama ang kapulisan na puksain ang natitiranga mga bandido upang wala nang makuha na pagkakataon na makapagdukot ng mga target nila na mga turista.
Sinang-ayunan naman ng AFP ang pahayag ng Zamboanga City local government unit na simula taong 2016 pa ay wala nang naitala na kasong kidnapping na ang ASG ang nagpasimuno.
Una rito, mismong si Duterte ang hindi nagrekomenda sa mga taga-Uropa na pumasok sa Pilipinas habang hindi pa nalilipol ang mga terorista kung saan ginawa na teritoryo ng ASG ang Zamboanga.