(Update) CENTRAL MINDANAO – Hindi umano nanlaban ang lima sa mga nasawi sa Army at CAFGU checkpoint sa Brgy. Inug-ug, Pikit, North Cotabato akong alas 8:45 nitong nakalipas na Biyernes ng gabi.
Ito ang iginiit ng pamilya ng mga napatay sa shoutout.
Una nang nasawi sa barilan si Datu Haslim Matalam, anak ni dating Maguindanao Gov Norodin Matalam.
Kabilang pa sa mga napatay sina Botod Concon, residente ng Matina Pangi, Davao City; Alex Sanduyugan, nakatira sa Brgy. Rajahmuda, Pikit, Cotabato; Ganto Pasandalan, residente ng Brgy Tinutulan, Pikit, Cotabato at Abdullah Mamalumpong, pugante ng Cotabato Provincial Jail, Brgy. Amas Kidapawan City at residente ng Brgy Nunguan, Pikit, Cotabato.
Pero depensa naman ni 602nd Brigade commander, B/Gen. Alfredo Rosario na hindi umano huminto ang sinakyan na Nissan patrol ng mga suspek sa highway checkpoint ng mga sundalo, CAFGU at BPAT sa Barangay Inug-Ug at nagpaputok pa ito ng kanilang mga armas.
Napilitan ang mga sundalo at CAFGU na gumanti ng putok sa grupo ni Matalam kaya itoy nasawi.
Narekober sa loob ng sasakyan ni Matalam ang tatlong M16 armalite rifles, isang M653 rifle, isang kalibre .45 na pistola, granada, rifle grenade, mga bala, shabu, pera at drug paraphernalia.
Hiniling din ng pamilya ng mga nasawi sa Commission on Human Rights ang tulong sa patas na imbestigasyon.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng militar at pulisya sa naturang pangyayari.