-- Advertisements --

Dumistansiya ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbibigay ng komento kaugnay sa mga serye ng pagsabog sa Quiapo, Manila.

Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Restituto Padilla na isang law enforcement operation ang nasabing isyu na kasalukuyang tinutugunan na ng Pambansang Pulisya.

Sinabi ni Padilla na hindi dapat paniwalaan ni banggitin man lamang ang pangalan ng grupong nagpapanggap na may kagagawan nito sapagkat walang pangangailangang bigyan sila ng dignidad.

Aniya, pawang propaganda lang kasi aniya ang ginagawang ito ng umaakong grupo.

Binigyang-diin ni Padilla na may hawak nang lead ang pulisya sa nangyaring pagsabog at hayaan na munang gawin ng mga ito ang kanilang trabaho tungo sa ikalulutas ng kaso.

Panawagan naman ng militar sa publiko at media na huwag pabibiktima at pagagamit sa anumang propaganda na lilikha lamang ng takot o pangamba.