DAVAO CITY – Mariing itinanggi ni Brig. General Jesus Durante III, 1001st Brigade Commander na nakabase sa probensiya ng Davao de Oro ang akusasyon na may kinalaman siya sa pagpatay kay Yvonette “Yvonne” Chua Plaza, isang model-businesswoman noong Dec. 28, 2022 sa isang subdivision dito sa Lungsod ng Dabaw.
Inihayag ni Durante na siya rin ay nagluluksa at nalulungkot sa pagkamatay ni Yvonne at nais din niyang makamtan ang hustiya para rito na kanya ring tinawag na kaibigan.
Nilinaw rin ni Durante na nadawit lamang ang kanyang pangalan matapus nagpost si Yvonne noong April 2022 ng mga larawan na puno ng pasa at mga sugat ang mukha nito at siya umano ang may kagagawan ng pagbogbog sa naturang biktima, pero kalaunan binawi ng biktima ang post at nagpalabas ng pahayag na sumasalungat rito.
Si Durante ay dating nanilbihan bilang head ng Presidential Security Group (PSG) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala nagpalabas ang Davao City Police Office (DCPO) ng Isang Milyong Piso na pabuya para sa makapagbigay ng impormasyon at pakakakilanlan ng mga suspect na punatay kay Plaza.
Inihayag rin ni DCPO Director Alberto Lupaz na siyang commander ng itinalatang SITG Yvonette na mayroon na silang dalawang Persons Of Interest.
Tiniyak naman ni Police Major Eudisan Gultiano, spokesperson ng PRO 11 at ng SITG Yvonette na magiging patas ang resulta ng kanilang imbestigasyon, at siniguro na sa loob lamang ng dalawang linggo ay maipapalabas na nila ang kabuuang resulta partikular na ang pagkakakilanlan ng mga suspect at ang totoong motibo ng krimen.