-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tatlong mga yunit ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army ang binigyan ng parangal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kasabay ng ika-87 anibersaryo ng AFP sa Camp Emilio Aguinaldo, Quezon City.

Ang parangal ay iginawad sa 603rd Infantry (Persuader) Brigade na pinamumunuan ni Colonel Michael A Santos at ang dalawang mga battalion sa ilalim ng nasabing brigade. Ito ang 7th Infantry (Tapat) Battalion na pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Frederick M Chicote at 37th Infantry (Conqueror) Battalion na pinamumunuan naman ni Lieutenant Colonel John Paul D Baldomar.

Mismong si Chief of Staff Armed Forces of the Philippines (CSAFP), Lieutenant General Bartolome Vicente O Bacarro ang nagbigay ng parangal na Campaign Streamer ng AFP hinggil sa pagwasak at pagsugpo ng nabanggit nay unit ng militar sa dalawang mga gerilya front ng komunistang terorista. Ito ang Guerilla Front West Daguma at Guerilla Front East Daguma ng Sub-Regional Command Daguma sa ilalim ng Far South Mindanao Region (FSMR) ng communist terrorist group sa lugar na nasasakupan ng Persuader Brigade.

Una na ring nagpaabot ng pasasalamat ang mga opisyal ng lalawigan ng Sultan Kudarat at mga bayan na nasasakupan nito sa mga pagsisikap ng sundalo na puksain ang insurhensiya sa kanilang lugar upang magkaroon ng ganap na kapayapaan at kaunlaran.

Agad namang nagpaabot ng kanyang pagbati si Major General Roy M Galido, ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central sa 603rd Brigade, 7IB at 37IB sa tagumpay na ito. Gayunpaman, pinaalalahanan nito ang bawat tropa na “don’t lower your guard down”.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang kanyang panawagan sa mga natitira pang miyembro ng NPA na biktima ng panlilinlang at maling impormasyon na magbalik-loob sa gobyerno.