KORONADAL CITY – Nakahanda na umano ang militar anumang oras na magdeklara ng “all out offensive” si Presidente Rodrigo Duterte laban sa mga terroristang grupo na Bangsamoro Islamic Freedom Fighter sa probinsya ng Maguindanao.
Ito ang binigyang diin ni Lt/Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6ID PHIL army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa opisyal, umaapela na ang mga militar sa mga local executives na makipagtulungan na sa paggawa ng mga hakbang para matuldukan na ang giyera sa pagitan ng teroristang grupo at mga sundalo dahil sa patuloy na pagdami ng mga bakwit na nagtutungo mga kalapit na bayan o di kaya’y nananatili sa mga evacutaion centers.
Dagdag pa ni Baldomar, ayaw naman talaga ng presidente na maglunsad ng giyera laban sa BIFF pero sa oras na hindi parin huhupa ang labanan sa Maguindanao, mapipilitan na silang mag lunsad ng malawakang opensa sa pag kamit ng katahimikan sa boung Maguindanao.
Samantala, nakilala na ang apat na kasapi ng BIFF-Karialan Faction na nasawi sa nangyaring engkwentro sa Buluan Maguindanao na pawang mga residente ng Datu Paglas Maguindanao.