Nakatakdang i-mobilize ng AFP ang mahigit sa 3,000 nilang mga reservists para tumulong sa mga frontliners na humihiling ng “time out” sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay AFP spokesperson MGen. Edgard Arevalo, kanilang pakikilusin ang mga reservist na nasa medical profession gaya ng mga doktor at nars.
Sinabi ni Arevalo, sa inisyal na pagtataya ay mahigit sa 3,000 ang mga reservist na may medical background, habang ang ibang professions tulad ng mga enlisted personnel ay umaabot sa humigit-kumulang 800.
Habang ang ibang reservists naman aniya ay idineploy na sa kani-kanilang mga lokalidad, at hindi na kailangan pang i-pull out.
Samantala, inihayag ni Arevalo na kinakailangan umano ng karagdagang pondo para sa hazard pay at mga benepisyo na labas sa kanilang kasalukuyang budget para sa mga reservist.
Kung maaalala, iba’t ibang mga medical associations ang umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay muna ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine dahil sa nakararanas na ng sobrang pagod ang mga health workers dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases na dinadala sa mga ospital.