-- Advertisements --

Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila nababantayan ang lahat ng sulok sa Mindanao lalo na ang southern backdoor na ginagawang entry point ng mga teroristang grupo.

Ito’y kasunod sa ulat na may nakapasok na mga banyagang terorista mula sa Middle East, Indonesia at Malaysia na eksperto sa paggawa ng bomba at mga terroristic activities.

Sinabi ni AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo na hindi pa niya nakita ang ulat kaugnay sa pagdating sa bansa ng mga banyagang terorista.

Pero siniguro nito na maglalabas sila ng opisyal na pahayag ukol sa presensiya ng mga banyagang terorista, lalo na kung hihilingin ito ng Kongreso.

Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang presensya ng mga terorista sa Mindanao ang isa sa mga dahilan kung bakit naisa nilang palawigin pa ng isang taon ang umiiral na Martial Law.

Bukod pa sa ito ay kagustuhan ng mga mamamayan, mga local officials, religious leaders at mga stakeholders dahil malaki umano ang nabago sa peace and order sa Mindanao dahil sa Batas Militar.

Tiniyak naman ni Arevalo na nakahanda naman sila idepensa ang kanilang rekumendasyon sa mga mambabatas.

Una nang sinabi ni Prof. Rommel Banlaoi, chairman of the board ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research at pangulo ng Philippine Society for Intelligence and Security Studies na may 44 na mga foreign terrorists na nakapuslit sa bansa.