Handa umano ang AFP na tumulong sa pamamahagi ng potensyal na bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa oras na maging available na ito.
Una rito, sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipagkakatiwala niya raw sa militar at pulisya ang distribusyon sa bakuna dahil sa pangambang pulitikahin ito ng mga local government officials.
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo na inatasan na raw ni outgoing AFP chief General Felimon Santos ang kanyang mga staff na bumuo na ng plano para rito.
Ikinalugod naman ng hukbong sandatahan ang malaking tiwala na ipinapakita ng commander-in-chief sa militar.
Sinabi ni Arevalo, mahalagang mapaghandaan ito nang maaga lalo na’t batay sa inihayag ng pangulo, inaasahan na ang bakuna kontra COVID-19 sa buwan ng Disyembre.