Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tulungan ang mga komyuter na maaapektuhan ng tatlong araw na tigil pasada na nakikitang magpaparalisa sa sistema ng pampublikong transportasyon na sinimulan nitong Lunes, Marso 24.
Ayon kay AFP spoksperson Col. Francel Margareth Padilla, malapit na nakikipag-ugnayan ang AFP sa Department of Transportation (DOTr) habang naka-standby ang mga mobilization asset para sa augmentation ng mga sasakyan.
Nauna nang inihayag ng transport group na Manibela na magsasagawa sila ng transport strike mula kahapon, Marso 24 hanggang bukas, Marso 26 kaugnay ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.
Ito ay bilang pagpapakita ng pagtutol sa anunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na mayroong 86 percent operators ang nag-consolidate bilang korporasyon o kooperatiba ngunit lumalabas na kalahati lamang sa kanila ang nakasunod sa consolidation.