BAGUIO CITY – Magpapasaklolo na sa national government ang Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council dahil hirap pa ring makapasok ang tulong sa mga lugar na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Quiel sa Northern Luzon.
Ayon kay regional director Albert Mogul, nananatiling nakasara ang tatlong national at siyam na barangay roads sa Apayao.
Gusto sana ng opisyal na magamit nila ang mga helicopter ng Armed Forces of the Philippines para mas madali umano ang pagpapaabot ng tulong sa mga biktimang residente.
Sa ngayon naka-stand by daw ang response team ng Department of Health para sa mga gamot at first aid kits, gayundin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang government agencies.
Nagpapatuloy naman daw ang clean-up drive sa anim na paaralan sa Apayao na nagsilbing evacuation centers.
Maaalalang idineklara ang state of calamity sa Apayao kung saan tatlo ang nasawi habang may tatlo namang nasugatan dahil sa mga pagguho ng lupa at pagbaha.
Sa ngayon, nakatakdang maisagawa ang aerial inspection sa Apayao para ma-assess ang danyos na dulot ng masamang panahon.