Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines na hindi ito magkakasa ng imbestigasyon laban kay AFP Western Command, Commander Vice Admiral Alberto Carlos na kasalukuyang naka-personal leave ngayon.
Ito ay sa gitna ng pagkakakaladkad ng pangalan ni Vice Admiral Carlos sa isyung pinapalutang ng China hinggil sa umano’y “new model agreement” na sinang-ayunan umano ng naturang opisyal sa pakikipagpulong nito via phone call sa isang Chinese diplomat.
Matatandaan kasi na kamakailan lang ay sinabi ng Chinese Embassy in Manila na maglalabas ito ng transcript at recording ng umano’y phonecall conversation ng dalawang opisyal hinggil sa nasabing arrangement umano sa Ayungin shoal.
Sabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sa ngayon ay wala pang nagiging hakbang ang kanilang hanay hinggil sa nasabing isyu.
Kasabay nito ay binigyang-diin din niya na hindi papatulan ng Hukbong Sandatahan ang mga naratibong ito ng China sa West Philippine Sea lalo na’t walang malinaw na basehan ang mga ito.
Giit ng tagapagsalita, mas maraming mahahalagang isyu ang kinakaharap ng ating bansa na dapat aniyang mas pagtuunan ng pansin.
Kung maaalala, una nang ipinagkibit-balikat ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang panibagong claim na ito ng China kasabay ng pagbibigay diin na madali lamang pekein ang paggawa ng transcript at recording sa pamamagitan ng deep fake.
Habang sa bukod naman na pahayag ay kinuwestiyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang authenticity ng transcript at recording na sinasabi ng China na pinanghahawakan umano nito.
Gayunpaman ay ipinaubaya na niya sa Department of Foreign Affairs ang pagsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ukol dito upang alamin ang totoo sa likod ng usapin na ito at papanagutin kung sino man ang responsable dito sakaling totoo man ang mga claim na ito ng China.