Nakiisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbibigay pugay sa katapangan, pagkamakabayan at hindi natitinag na dedikasyon ni Gat Andres Bonifacio, ang “Ama ng Himagsikan” kasabay ng ika-161 pagdiriwang ng Bonifacio day ngayong Sabado, Nobiyembre 30.
Sa isang statement, sinabi ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang legasiya ni Bonifcio ay nagpapaalala sa atin ng katapangan at katatagan ng diwa ng isang Pilipino sa pagkamit ng kalayaan at katarungan.
Kasabay ng pag-alala ng Bonifacio day, hinimok din ng AFP chief ang bawat Pilipino na pagnilyan ang values na pinaglaban ni Gat Andres Bonifacio para sa pagmamahal sa bansang Pilipinas, hindi pagiging makasarili at hindi natitinag na commitment para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. Ang mga prinsipyo aniyang ito ay patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kawani ng AFP sa pagtupad ng kanilang misyon para protektahan ang ating soberaniya, panatilihin ang kapayapaan at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng ating mamamayan mula sa lahat ng mga banta.
Inihayag din ng opisyal na sa pagharap ng mga makabagong hamon, nawa’y makahugot sila ng lakas mula sa ehemplo ni Bonifacio at pagtibayin pa ang dedikasyon sa pagsisilbi sa mamamayang Pilipino.
Hinimok din ng AFP ang lahat para sa pagtatatag ng isang nasyon na nagbibigay pugay sa mga sakripisyo ng ating mga bayani at pagtupad ng pangako ng mas maliwanag at mas maunlad na kinabukasan para sa lahat