Idinepensa ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paggamit nila ng kanilang mga bagong biling FA-50 fighter jets sa nagpapatuloy na operasyon sa Marawi City laban sa Maute-ISIS group.
Kinumpirma ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla gumagamit na sila ngayon ng FA-50 fighter jets lalo na sa paglulunsad ng airstrike sa mga lugar na pinagtataguan ng teroristang grupo.
Sinabi ni Padilla bagamat malalakas na bomba ang karga ng mga FA-50 fighter jets ay hindi naman ito overkill dahil nagpapatupad lamang silang “commensurate force” sa mga ground troops.
Paliwanag pa ni Padilla, ang paggamit ng OV-10 bomber planes ay nakadepende sa sitwasyon.
Aniya, pwedeng magdala ng mabigat na ordnance o bomba ang OV-10 kung malaki ang target pero kung maliit lamang ay kaya nito tirahin sa pamamagitan ng rockets o machine gun.
Ganito rin ang sistema sa mga attack helicopters at mga choppers.
Ang FA-50 fighter jets ay may kakayahan sa pag-deliver ng bomba, rockets at machinegun.
Ito ay nabili ng Pilipinas sa South Korea noong nakaraang administrasyon Aquino.
Ang 12 lead-in trainer fighter jets na tinaguriang “supersonic†at “state of the art†ay nabili sa Korean Aerospace Industries (KAI), Ltd. na nagkakahalaga ng P18.9 billion.
Bukod sa FA-50 fighter jets, na-mobilize na rin ngayon ng militar ang paggamit ng kanilang mga OV-10 bomber planes, at ang kanilang mga attack helicopters.
Kinumpirma ni Padilla na nagpapatuloy ang pagde-deliver nila ng airstrike sa lugar batay na rin sa rekumendasyon ng mga ground commanders.
Batay naman sa assessment ng AFP hindi na gaano kalakas makipaglaban ang teroristang Maute kumbaga pahina ng pahina ang mga ito sa ngayon.
Sa ngayon kasi pinagbawal muna ang paglipad ng mga SF-260 attack aircraft bunsod sa nangyaring sablay na airstrike na ikinasawi ng 11 sundalo habang pito ang sugatan.
Sinabi pa ni Padilla na gumugulong na sa ngayon ang imbestigasyon na kinasasangkutan ng SF-260 aircraft.