Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi trabaho ng militar na makialam sa mga usaping politikal.
Ito ay sa gitna ng mga panawagan sa militar na makialam kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang statement, nanindigan ang AFP na nananatili silang nakatuon sa kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayang Pilipino, depensahan ang Konstitusyon at pagtibayin ang demokrasiya.
Iginiit din ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na anumang mga concern may kaugnayan sa pamamahala ay dapat na maresolba sa legal at demokratikong paraan.
Inisyu ng militar ang naturang pahayag matapos kwestyunin ni Vice President Sara Duterte ang pagiging tikom ng militar sa pag-aresto sa dating Pangulo.
Ilang mga tagasuporta din ng dating Pangulo ang bumabatikos sa kasundaluhan dahil sa umano’y pagiging ungrateful o walang utang na loob ng mga ito gayong ang dating Pangulo ang siyang dumoble sa kanilang sahod noong kaniyang administrasyon.
Sa gitna naman ng mga kritisismo at mga pag-kwestiyon sa papel at responsibilidad ng AFP, tinukoy ng Sandatahan na malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution na ang AFP ay isang non-partisan institution. Gayundin, nakapaloob sa Section 5(3), Article XVI, pinagbabawalan ang military personnel na makibahagi sa political activities at anumang paglabag sa prinsipyong ito ay makakasira sa demokrasiyang kanilang tungkuling protektahan.
Sinabi din ng AFP na ang lakas ng demokrasiya ay nakadepende sa pagrespeto sa mga institusyon, pagsunod sa due process, pagtiyak na maipapairal ang hustisiya sa pamamagitan ng mga legal channel at pagpili ng mga opisyal sa pamamagitan ng mga halalan.
Sa huli, nanindigan ang AFP sa mandato nito na nakapokus sa pagseserbisyo sa mamamayang Pilipino kaakibat ang hindi natitinag na commitment sa Konstitusyon.