Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na kanilang pananatilihin ang mga tropa sa West Philippine Sea partikular na sa nakasadsad na BRP Siera Madre sa naturang rehiyon.
Ginawa ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. kay United States Secretary of the Air Force Frank Kendall ang naturang paninindigan kasabay ng naging courtesy call nito sa Camp Aguinaldo kahapon.
Kasama sa pagpupulong si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson.
Sa naging talakayan, kapwa tiniyak ng dalawang kampo na kanilang ipagpapatuloy ang mga military engagements at maging ang cooperative activity sa lugar.
Ipagpapatuloy rin ng dalawang kampo ang bilateral exercises, at EDCA sites projects, na magsisilbing mensahe sa buong mundo ng matatag na samahan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Pinasalamatan naman ni Gen. Brawner ang patuloy na suporta ng US sa AFP at buong Pilipinas.
Kaugnay nito ay binigyang diin ng opisyal ang BRP Sierra Madre ay simbolo ng determinasyon ng Pilipinas na ipagtanggol ang kanyang teritoryo.