Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang bansa ang makakapagdikta sa Pilipinas sa desisyon nito pagdating sa depensa.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, isang likas na karapatan ng bawat estado na palakasin at gumawa ng mga desisyon sa depensa kabilang ang pagpasok at deployment ng US typhon missile launcher sa loob ng teritoryo ng bansa.
Ginawa ng Sandatahang lakas ng Pilipinas ang pahayag ngayong Biyernes, matapos tawagin ng China ang hakbang na mapanganib at iresponsable.
Iginiit naman ni Col. Padilla na ang presensiya ng Beijing at militarisasyon nito sa West Philippine Sea ang lubhang mapanganib.
Tinukoy ng AFP official ang presensiya ng mga barko ng China na missile-capable din bilang “highly dangerous”. Mayroon din aniyang artificial islands ang China sa disputed waters na militarized at missile-capable.
Inihayag din ni Col. Padilla na pinapatatag ng PH ang defense capabilities nito sa pamamagitan sa pagsasamoderno, pagpapalakas ng ating mga alyansa at walang ibang bansa aniya ang maaaring kumuwestiyon dito.
Kinumpirma din ng AFP official ang paglipat ng Typhon missile launcher sa hindi tinukoy na lugar bilang parte ng pagsasanay at pagpapalakas ng defense capabilities ng AFP.
Paliwanag ni Padilla na kasama sa pagsasanay ang mobilisasyon ng kanilang logistics train kayat sa tuwing kailangan na ipreposisyon ito bilang paghahanda sa nalalapit na aktibidad, kanila itong ginagawa.
Matatandaan na dinala ng US military ang naturang weapon sa bansa noong Abril ng nakalipas na taon bilang bahagi ng joint military exercises.