Ikinagalak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging anunsiyo ni House Speaker Martin Romualdez hinggil sa planong pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo sa ilalim ng 2025 national budget at ito ay higit pa sa doble mula sa P150 ay magiging P350.00 na ito.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, sinabi nito na ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo ay patunay lamang na kinikilala ng gobyerno ang mahalagang papel ng mga sundalo lalo na sa pagpapanatili sa seguridad ng bansa at sa soberenya.
Ayon kay Trinidad ang pagtaas ng subsistence allowance ay malaking tulong sa mga sundalo at sa kanilang pamilya.
Sa kabilang dako, pinasalamatan din ng AFP si Speaker Martin Romualdez sa pagtiyak na magpapatuloy ang budgetary support ng gobyerno para sa modernization program ng sandatahang lakas ng Pilipinas na mahalaga para mamantine ang operational readiness and capability ng militar na rumisponde sa anumang security challenges o hamon.
Lubos na ipinaaabot ng AFP ang kanilang taos pusong pasasalamat sa House of Representatives sa nasabing inisyatibo at patuloy na commitment para mapabuti ang kapakanan ng mga sundalo.
Siniguro din ng AFP na mananatili silang steadfast sa kanilang misyon na protektahan ang sambayanang Pilipino at ang estado.
Inihayag ni Trinidad na mas lalong nagiging inspirado ang militar na gawin ang kanilang mandato dahil nandiyan ang gobyerno na sumusuporta sa kanila.