-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat na magpapadala ang United States Indo-Pacific Command (US INDOPACOM) ng panibagong Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile sa Pilipinas.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, isa itong welcome development para sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Sinabi din ng opisyal na mas marami mas masaya dahil makakatulong ito sa kanilang mga tauhan na magkaroon ng mas epektibong pagsasanay.

Gayundin, sinabi ni Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala na welcome din ito para sa Philippine Army dahil mas mapapabilis ang training ng kanilang personnel.

Matatandaan na dumating sa bansa ang unang US Typhon missile noong Abril 2024 bilang parte ng joint Salaknib at Balikatan exercises.

Simula noon nananatili na ito sa bansa at kasalukuyang nasa Ilocos Norte.

Nagbunsod naman ito ng pagkondena mula sa gobyerno ng China at makailang ulit na hinimok ang Pilipinas na alisin ang Typhon missile launcher ng Amerika dahil lumilikha umano ito ng tensiyon at hidwaan.

Inakusahan din ng China ang Pilipinas ng hindi umano pagsunod sa pangako nito na aalisin ang naturang armas pagkatapos ng military exercises.

Subalit una ng iginiit ng AFP na ipagpapatuloy ang paggamit sa US Typhon missile sa mga pagsasanay nito habang nanindigan naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibabalik lamang ang naturang Typhon missile sa US kapag itinigil na ng China ang claim nito sa West Philippine Sea at ang panghaharass sa mga barko ng Pilipinas.