Inaasahan ng Armed Forces of the Philippines ang posibilidad ng pagkakaroon ng presensya ng China sa ilang lugar na pagdadausan ng mga aktibidad ng Balikatan Exercises ngayong taon.
Ito ang inihayag ni Balikatan Exercises director for the Philippines, MGen. Marvin Licudine sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa Kampo Aguinaldo kasunod ng opisyal na pagbubukas ng naturang military exercises.
Aniya, sa ngayon ay hindi pa nila makumpirma ang umano’y presensya ng dalawang Chinese Maritime militia vessels sa layong 30 nautical miles mula sa coastline ng Palawan alinsunod na rin sa naging monitoring ng American maritime expert na si Ray Powell.
Ngunit gayunpaman ay inaasahan na aniya nila ang posibilidad na mamataan ang presensya ng China lalo na’t may mga itinayo rin aniya ang mga ito na istraktura sa naturang lugar.
Kasabay nito ay ipinunto rin ng opisyal na madalas naman na talagang nakikita ang mga barko ng Chinese Maritime militias sa West Philippine Sea mula nang umusbong ang territorial conflict sa lugar sa pagitan ng Pilipinas at China.
Kung maaalala, una nang binigyang linaw ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ang pagkakasa ng Balikatan Exercises sa bansa kasama ang Estados Unidos ay isang taunang aktibidad ng Hukbong Sandatahan na layunin lamang na mas paigtingin pa ang defense capabilities at alliances ng kasundaluhan sa kabila ng mas lumalalang agresyon ng China sa West Philippine Sea.