Ligtas na nakabalik sa Palawan ang reporter at crew ng isang TV network na sakay ng isang barko ng Pilipinas na hinarass umano ng People’s Liberation Navy at Coast Guard ng China sa bisinidad ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Western Command spokesperson Maj. Cheryl Tindog, kasabay ng pagsabi na inaasahan nila na ang tulong at kooperasyon ng reporter sa imbestigasyon na gagawin ng AFP Western Command kaugnay sa insidente.
Sinabi naman ni AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo, hiningi na ng AFP ang mga video o larawan ng insidente para malaman ang sirkumstansiya sa pangyayari.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Arevalo sa napaulat na harassment ng China sa sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Una rito, iniulat ng nasabing reporter na patungo sana ang kanilang barko sa Ayungin shoal nang harangin sila ng barko ng Chinese Coast Guard at nang pabalik na sila ng Palawan, ay dalawang Chinese missile boats naman ang humabol sa kanila.
Tiniyak ni Arevalo na gagampanan ng AFP ang kanilang mandato alinsunod sa konstitusyon na pangalagaan ang mga mamamayan at itaguyod ang soberenya ng bansa.