-- Advertisements --

Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyong isang political move ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo sa P350 kada araw mula sa P150 na nataon kasunod ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang adjustment sa subsistence allowance ng militar ay matagal ng natalakay at naaprubahan bilang parte ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

Gayundin, ipinaliwanag ng AFP official na itinaas ang allowance ng military personnel para matiyak ang kanilang kapakanan lalo na ang mga nasa frontlines bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel na ginagampanan para protektahan ang ating bansa.

Ginawa ni Col. Padilla ang paglilinaw sa gitna ng claims ng mga kritiko ng gobyerno na inaprubahan ang pagtaas ng allowance matapos ang pagtulong ng militar sa Marcos administration sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at pinadala sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands para harapin ang crimes against humanity sa madugong war on drugs.

Subalit nilinaw ng AFP na walang kinalaman ang lahat ng ito sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa allowance ng mga sundalo.