-- Advertisements --

Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat sa pagbibitiw umano ng ilang military personnel kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam, sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi pa kumpirmado ang mga balita kaugnay sa umano’y pagbibitiw ng mga AFP personnel bilang pagpapakita ng suporta sa dating Pangulo na inaresto patungong The Hague, Netherlands noong Martes dahil sa umano’y nagawa nitong mga krimen laban sa sangkatauhan sa kasagsagan ng kampaniya ng kaniyang administrasyon kontra sa iligal na droga.

Kaugnay nito, hinimok ng AFP official ang lahat na iwasan ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon at pairalin ang kritikal na pang-unawan.

Saad pa ni Col. Padilla na nananatiling propesyunal, nagkakaisa at non-partisan institution ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at committed sa mandato nito na depensahan ang bansa at pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.

Patuloy din aniya ang kanilang mga tauhan na nakatutok sa kanilang sinumpaang tungkulin, paninindigan sa rule of law at chain of command.

Sa panig naman ng Philippine Army, sinabi ni Army spokesperson Col. Louie Dema-ala na wala silang natanggap na anumang report na may nagbibitiw na mga sundalo.

Sakali man aniya na ang mga report na ito ay mula sa social media, hindi dapat ito paniwalaan.

Tiniyak din ng Army official na nananatiling mataas ang moral ng Army at nananatiling isang propesyunal na organisasyon na nakatuon sa mandato nito dahil humaharap ang bansa sa iba pang mga problema.

Iginiit din nito na hindi kailangan ng loylty check sa kanilang hanay.

Samantala, sinabi naman ni Philippine Air Force Col. maria Consuelo Castillo, wala silang namonitor na anumang unrest o pagbibitiw ng sinumang personnel sa kanilang hanay.