Mariing pinasinungalingan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na may heneral na graduate ng Philippine Military Academy (PMA) ang nag walk-out sa isinagawang command conference sa Kampo Aguinaldo.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na fake news ang nasabing ulat, ibig sabihin wala itong katotohanan.
Sinabi ni Padilla na kasama siya sa loob ng conference room kung saan ginaganap ang pulong at walang ganuong senaryo na nangyari.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP, napaka propesyunal ang naging talakayan lalo na ang palitan ng mga ideya at naging positibo ang pagtatapos ng pulong.
Kung maalala, lumabas ang isang ulat na may isang top general ang nag walk out sa kasagsagan ng pulong sa Kampo Aguinaldo dahil hindi nito nagustuhan ang mga tinalakay na isyu.
Matapos mag walk out ang isang heneral sumunod ang iba pa.
Sinasabi na hindi masikmura ng top general ang ilang mga usapin na labag sa kaniyang prinsipyo.
Hindi naman pinangalanan kung sino ang nasabing top general.
” Yung walkout incident, if you are referring to the command conference thats fake news ano, i was there personally. there is nothing of that sort that happened, it was a very professional exchange of ideas and discussions and there was also a lot of updates that was given, it was all, ended on a positive note,” pahayag ni Col. Padilla.
Samantala, ayon naman kay Commodore Roy Vincent Trinidad, spokesperson ng West Philippine Sea na ang nasabing ulat ay 100 percent na walang katotohanan.
Sinabi ni Trinidad napaka professional ng mga sundalo at hindi nila ito magagawa.
Paalala ni Trinidad na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon at mag verify lalo na sa source nito.