-- Advertisements --

Kumikilos na rin ang intelligence community ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa napaulat na bantang terror attack ng kilalang international terrorist group na Hamas sa Pilipinas.

hamas

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine National Police (PNP) ukol sa nasabing intel report.

Ibinunyag kasi ng PNP kamakailan na may isang Fares Al Shikli alyas Bashir ang nanghihikayat umano ng mga Pinoy na may koneksyon sa mga lokal na terorista para magkasa ng pag-atake laban sa Israeli community sa bansa.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Andres Centino, hindi naman sila tumitigil sa pagbabantay at sa katunayan ay wala pa silang nakikitang anumang banta sa seguridad.

Nakatuon aniya ang kanilang pansin sa papalapit na halalan kung saan kailangan din nilang tuldukan ang pamamayagpag ng mga elemento ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army at National Democratic Front bilang bahagi ng direktiba sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa kay Centino, nakalatag na ang kanilang deployment sa Bangsamoro Autonomous Region gayundin sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos) na kilalang election “hot spot.”

Ang AFP ang siyang magiging frontliner sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa naturang mga rehiyon sa pakikipagtulungan sa PNP at Commission on Elections.