-- Advertisements --

CEBU – Kinondena ng AFP Visayas Command ang walang habas na pagpatay ng dalawang army intelligence noong Nobyembre 24 sa Sitio Camboguiot, Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Major Israel Galorio, ang tagapagsalita ng AFP Central Command, sinabi nito na base sa kanilang nakuhang impormasyon, ang nasabing pagpatay ay kagagawan ng teroristang New People’s Army.

Kaugnay nito, aniya, walang tigil ang kanilang pagsasagawa ng ‘focused military operations’ laban sa mga teroristang grupo.

Dagdag pa ni Major Galorio na kanilang sinubukan na makombinsi ang nasabing grupo sa pamamagitan ng kanilang ‘Comprehensive Local Integration Program’ para sa kapayapaan at kaunlaran ng komunidad.

Ngunit diumano’y mga NPA members na hindi nagpapatinag at patuloy ang pakikipaglaban sa mga tropa ng gobyerno kaya nangyari ang mga sunod-sunod na engkwentro.

Siniguro nito na hindi masasayang ang sakripisyo ng dalawang army intelligence na sina Sergeant Regie Glindro at Staff Sergeant Ken Camilan ng 47th Infantry Katapatan Battalion.

Ang pagkamatay ng dalawang sundalo ang siyang magtutulak sa mga tropa ng gobyerno na tapusin ang mabangis na NPA at madala sa hukoman ang mga may sala.