Mariing kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang pag landmine sa convoy ng mga sundalo na tumutugis sa rebeldeng grupo na nanunog ng pineapple harvesting facility sa may Barangay Tawan Tawan, Calinan District sa Davao City.
Umigting ang labanan kung saan nakasagupa ng mga operating troops ng 3rd Infantry Battalion ang rebeldeng NPA sa may boundary ng Barangay Lacson at Barangay Lamanan, Calinan District.
Sa nasabing engkwentro dalawang sundalo ang nasawi habang 17 ang sugatan.
Ayon kay AFP spokesperson BGen. Restito Padilla na kinokondena ng militar ang ginawa ng rebeldeng grupo.
Gagawin din ng militar ang lahat para mabigyan ng proteksiyon ang komunidad laban sa mga nanghaharass na rebeldeng grupo.
Samantala, hindi pa matukoy ng militar kung anong local terrorists group ang nakalaban ng mga intelligence personnel sa Marawi City na ikinasawi ng isang Phil. Army Major at enlisted personnel matapos paulanan ng bala ang kanilang sasakyan.
Ayon kay Padilla na nasa proseso pa ngayon ang militar sa Marawi para tukuyin kung anong grupo ang nakalaban ng mga intelligence personnel.
Kabilang sa mga local terrorist na nag ooperate sa Lanao del Sur ay mga maute terror group, Ansar al khilafa terror group, BIFF at ASG.