Kinumpirma ngayong araw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na namataang dumaan ang 2 barkong pandigma ng China sa may Basilan Strait sa loob ng Zamboanga Peninsula nitong araw ng Huwebes.
Sa isang statement, sinabi ni AFP public affairs office chief Colonel Xerxes Trinidad na na-monitor partikular na ng Naval Forces Western Mindanao ang presensiya ng 2 barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa naturang karagatan kabilang ang isang training ship na may bow number 83 at isang amphibious transport dock na may bow number 999.
Alinsunod naman sa standard operating procedure, idineploy ng AFP ang BRP Domingo Deluana (PG905) para manmanan o bantayan ang paglalayag ng 2 PLA navy vessels.
Nag-isyu din ng standard challenge ang nag-ieskort na barko ng PH sa mga barkong pandigma ng China.
Kung saan tumugon ang isa sa mga Chinese warship na Qi Jiquang (BN 83) na nagsasagawa umano ito ng normal navigation mula sa huling port of call nito sa Dili, Timor Leste patungong Dalian, China.
Bagamat kinikilala ang Basilan strait bilang isang international sea lane na nagpapahintulot sa innocent passage ng mga dayuhang barko mula sa iba’t ibang mga bansa, ipinunto ni Col. Trinidad na mananatiling nakabantay ang AFP sa lahat ng mga aktibidad sa loob ng ating maritime zones at nangako para sa pagprotekta sa mga karagatan ng ating bansa.
Ipagpapatuloy din ng Hukbong Sandatahan ng PH ang pagpapairal ng international maritime laws kasabay ng pagprotekta sa ating territorial integrity.