Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdaan ng dambuhalang barko ng China malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad ang nasabing hakbang ng China ay bahagi ng kanilang mas malawak na pattern ng mapanghimasok na mga patrol na naglalayong igiit ang labag sa batas na pag-angkin sa mga lugar sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sinabi ni Trinidad, mahigpit na mino monitor ng AFP ang lahat ng mga aktibidad sa West Philippine Sea bilang bahagi ng kanilang commitment na protektahan ang territorial integrity at ang sovereign rights ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng opisyal na mananatiling mapagmatyag at matatag ang AFP sa kanilang misyon para itaguyod ang mga internasyonal na batas pandagat, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Binibigyang-diin ng AFP na ang mga naturang aksyon ng China Coast Guard ay ilegal, mapilit, at salungat sa diwa ng pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Siniguro ni Trinidad na patuloy na susubaybayan at iuulat ng mga sundalo ang anumang mga kaganapan sa WPS sa pagganap ng kanilang mandato.
Nananawagan din ang militar sa lahat ng bansa na igalang ang internasyunal na batas at iwasan ang mga aksyon na magpapalaki ng tensyon sa WPS.