Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong gabi ng Martes na isang servicemember ng Philippine Navy ang nagtamo ng matinding injury matapos ang “intentional high-speed ramming” ng China Coast Guard sa PH boat habang nasa rotation and resupply mission sa Ayungin shoal noong umaga ng Lunes, Hunyo 17.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Colonel Xerxes Trinidad, ang nasugatang tauhan ng Navy ay ligtas na nailikas at nakatanggap ng agarang medical treatment.
Tinawag naman ng AFP official na hindi katanggap-tanggap ang patuloy na agresibong pag-uugali at hindi propesyunal na gawain ng China Coast Guard sa lehitimong humanitarian mission ng ating bansa.
Sa kabila nito, nananatiling committed ang AFP sa pagpapanatili ng kanilang presensiya sa WPS.
Nauna ng naiulat na hindi bababa sa 8 Philippine Navy personnel ang nasugatan kabilang ang 1 na naputulan ng isang daliri matapos harangin, banggain at sumampa ang mga tauhan ng China Coast Guard sa isang Rigid Hull Inflatable Boat (RHIB) na ipinadala ng Philippine Navy upang maghatid sana ng mga suplay para sa tropa ng bansa na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.
Kinumpiska rin ng China ang mga matataas na kalibre ng armas mula sa mga tauhan ng Navy, at binutasan pa ang isa sa mga RHIB.
Nangyari ang engkwentro matapos mag-deploy ang militar ng Pilipinas ng anim na sasakyang pandagat mula sa iba’t ibang entry point para sa resupply mission sa outpost nito sa Ayungin shoal sa WPS. Ito ay sa gitna na rin ng no trespassing rule na ipinatupad ng China noong Hunyo 15.
Kung maaalala, agad na kinumpirma ng China Coast Guard ang nangyaring banggaan noong araw ng Lunes kung saan inakusahan nito ang panig ng PH na siyang ilegal umano na pumasok sa inaangkin nilang teritoryo.
Kung mababatid din, una ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong mga nakaraang buwan na ipapatupad niya ang mutual defense treaty sa US kung sakaling may isang sundalong Pilipino na mamamatay mula sa pag-atake ng dayuhan sa WPS.