Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. na naging matagumpay ang panibagong resupply mission ng Pilipinas sa may Ayungin shoal.
Ito na ang ikatlong resupply mission ng bansa matapos ang insidente noong Agosto 5 kung saan binombahan ng China Coast Guard ng tubig o water cannon ang Coast Guard fleet ng PH na nagsasagawa noon ng parehong resupply mission sa mga sundalo ng bansa na naka-istasyon sa military outpost ng bansa na BRP Seirra Madre bilang simbolo ng soberaniya ng PH sa West PH Sea.
Nagsagawa din ng follow-up resupply mission ang bansa na naging matagumpay din noong Agosto 22.
Ayon sa AFP, pasado alas-10:03 ng umaga nang makapasok sila sa bisinidad ng Ayungin shoal ang mga barko ng Pilipinas at nagawang i-unload ang mga cargoes na naglalaman ng mga suplay para sa mga personnel na nagmamando sa BRP Sierra Madre.
Una rito, inihayag ng dating US Air force official at dating Defense Attache Ray Powell na nagmomonitor sa resupply mission ng PH nitong umaga ng Biyernes na iniskortan ng mga barko ng Philippine Coast Guard na BRP Cabra at BRP Sindangan ang resupply boats.
Sa ibinahaging impormasyon sa isang online platform, sinabi din ni Powell na dalawang barko ng China Coast Guard at 10 maritime militia vessels ang humarang sa entrance o papasok sa Ayungin Shoal.
Isa rin aniyang Chinese cargo ship na Chang Zheng 1 Hao na present din sa lugar subalit hindi batid ang purpose nito kung bakit nasa lugar.