Napagkasunduan ng militar at pamahalaang lokal ng Maguindanao na magsagawa ng parallel investigation hinggil sa nangyaring pagsabog noong May 25 sa Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan na ikinasawi ng dalawang bata habang pito ang sugatan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom commander Lt Gen. Cirilito Sobejana, layon nito para magkaroon ng transparency hinggil sa gagawing imbestigasyon para mabatid ang katotohanan sa likod ng pagsabog.
Sa ngayon kasi hindi pa matukoy kung sino ang nasa likod ng mortar shelling na posibleng manggaling sa local terrorist group na BIFF o sa hanay ng militar.
Una nang itinanggi ng militar sa lugar na nagpakawala sila ng mortar.
Pero ayon kay Sobejana halos araw- araw partikular sa may bahagi ng “SPMS” box ito ay ang Shariff Aguak, Pagatin (Datu Saudi), Mamasapano, at Salibo hina-harass ng BIFF ang mga sundalo kaya nagkakaroon ng labanan.
“Habang ginagawa yung investigation, we will provide needed assistance ng mga biktima at kasama sa plano namin i reconstruct yung mga na damaged na kabahayan duon sa area, mahirap mag conclude kaagad na military very unfair naman yun, anyway nakita naman nati na pwedeng military o BIFF base sa mga possibilities, so we agreed we will conduct parallel investigation, after that we will compare notes,” pahayag ni Lt Gen. Sobejana.
Kahapon personal na nagtungo sa Maguindanao si Sobejana para pangunahan ang isang pulong para sa pagresolba sa insidente.
Dumalo sa nasabing pulong ang matataas na opisyal ng militar at mga local officials na sina Datu Saudi Ampatuan Mayor Resty Sindatok, BARMM Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo, Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Diosdado Carreon, 1st Mechanized Brigade Commander, BGen Efren Baluyot, 601st Bde Officer In-Charge Col. Joel Mamon.
Siniguro ni Sobejana ang suporta ng militar sa local government at mga stakeholders para sa agarang resolution ng kaso.
Mananagot aniya ang mga salarin ng sa gayon mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Binigyang-diin ni Sobejana maingat ang militar sa pagpaggamit ng kanilang mga armas at fighting capability ng sa gayon,maiwasan ang anumang collateral damage.
“Very deliberate kame sa paggamit ng mga sandata namin maaring mga personal na gamit gaya ng riple mga reserve weapons, mortar at iba pang weapons system sa kanilang inventory, ang primary consideration namin na walang collateral damage,” dagdag pa ni Sobejana.