Magbibigay ng tulong pangkabuhayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga Pilipinong mangingisda na apektado ng taunang war games sa pagitan ng PH at US na Balikatan exercise.
Ito ang tiniyak ni Agusan del Norte Rep. Jose Aquino II na siyang dumidepensa sa 2025 budget ng Department of National Defense sa plenary deliberations sa 2025 General Appropriations Bill nitong Huwebes.
Kabilang sa mga tulong na ibibigay ay sa ilalim ng mga programang Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD at TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng DOLE na ipapamahagi sa mga lokal na pamahalaan at komunidad na maapektuhan bago magsimula ang Balikatan.
Tiniyak din ng mambabatas na sisiguruhin ng AFP ang kaligtasan ng mga lokal na komunidad sa kasagsagan ng naturang pagsasanay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa masinsinang pagpaplano at kolaborasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Una na ngang sinabi ni House Deputy Minority leader France Castro sa naturang deliberasyon na may nakarating sa kanilang impormasyon na nahihinto ang kabuhayan ng mga mangingisda sa dakong norte partikular sa Batanes dahil ginagamit ang katubigan doon para sa Balikatan exercises.
Matatandaan na noong nakalipas na taon ay isinagawa ang naturang taunang ar games sa Batanes at sa iba pang lugar habang ngayong taon naman ay sa 5 lugar na kinabibilangan ng Tarlac, Zambales, Laoag City, Palawan, at Cabra Island sa Lubang, Occidental Mindoro.